FACT CHECK: Hindi nagpapadala ng clickable links sa email at text ang GCash

ABS-CBN Investigative and Research Group

Posted at Nov 09 2022 02:03 PM

https://sa.kapamilya.com/absnews/abscbnnews/media/2022/life/11/09/fact-check.jpg

Hindi galing sa e-wallet app na GCash ang mga kumakalat na mensahe sa text at email tungkol sa diumano’y pagkaka-block at maaaring pagka-deactivate ng account ng mga nakatanggap na users.

Mababasa sa isang email ang maaaring pagkablock diumano ng GCash account ng nakatanggap ng email dahil sa “unusual activity” at “unauthorized transactions.” Kasama rin sa mensahe sa email ang isang link na dapat i-click ng user upang i-verify ang kaniyang account at hindi ito tuluyang ma-deactivate.

Ang mensahe sa email ay halos kapareho ng mga kumakalat sa text. Katulad ng mensahe sa email, ang text message ay may kasamang link na kinakailangang i-click ng nakatanggap upang i-verify ang kaniyang account. Dagdag pa sa text message, kailangan bisitahin ang link at mag-log in sa loob ng 24 na oras.

Sa pahayag na ipinadala ng pamunuan ng GCash sa ABS-CBN Fact Check team, mariin nilang itinanggi na sa kanila galing ang mga email at text. Ayon sa GCash, hindi na sila naglalakip ng mga “clickable links” sa mga mensaheng ipinapadala nila sa mga customer. Sinimulan raw nilang tanggalin ang mga link mula noong nagkaroon ng pagdami ng spam at scam texts at emails.

“GCash will never send links in official SMS or email communications or in official messaging apps. Be vigilant and avoid the risk of phishing by not clicking on these links,” ayon sa GCash.

Noong Setyembre naglabas ng memorandum ang National Telecommunications Commission o NTC na nag-uutos sa tatlong major telcos sa bansa na i-block at i-deactivate ang mga mensaheng mayroong “clickable links.” Ito ay matapos na magpayahag ng pag-aalala ang publiko sa mga text spam na nagiging mas personalized na – naglalaman ang mga ito ng pangalan at minsan, mga apelyido ng mga nakakatanggap.

Paalala ng GCash sa mga gumagamit ng mga e-wallet na huwag basta basta maniniwala sa mga natatanggap na kahinahinalang mensahe. Isa itong uri ng scam upang makuha ang personal na impormasyon ng mga mabibiktima nito.

“If a user unwittingly clicks the links included in the messages, hackers may be able to take a hold of their accounts as they would be led to a website or app that spoofs the GCash log-in page,” ayon sa pamunuan ng GCash.

Dagdag ng GCash, magmula noong Enero hanggang Hulyo ngayong taon, umabot na sa 784 na milyong scam at spam messages ang kanilang na-block, sa tulong ng Globe na isa sa mga malalaking telcos sa bansa.

“GCash also reminds its users that GCash can only be reached through GCash Help Center at https://help.gcash.com and are not available via messenger." 

ABS-CBN News is part of the Philippine Fact-Checker Incubator Project (PFCI) and #FactsFirstPH. PFCI supports news organizations in building capacity to meet international fact-checking standards. #FactsFirstPH is a collaborative effort of media and civil society organizations to fact check dubious and false claims, and to promote credible sources of information in the 2022 elections and beyond.