SRP sa bigas pinatutupad na; NFA nagbabala sa parusa

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2018 07:50 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sinimulan na nitong Biyernes ang pagpapatupad sa suggested retail price (SRP) ng bigas sa buong bansa at ang pagpapataw ng parusa sa mga hindi susunod dito sa Kalakhang Maynila. 

Sabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol, ide-deploy ang mga pulis, mga inspector ng National Food Authority (NFA), at mga opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) para maseguradong sinusunod ng mga retailer ang SRP sa bigas. 

"NFA inspectors should be deployed in all over Metro Manila and in the greater Manila area, backed up by policemen and the Department of Trade and Industry to start enforcing the SRP," ani Piñol. 

Written warning ang ibibigay para sa first offense. Kakanselahin naman ang lisensiya at papatawan ng multa ang lalabag sa ikalawang pagkakataon. 

Nilagyan na rin ng color coding para sa bawat label ng bigas: Puti para sa regular at well-milled, dilaw para sa premium grade, at asul para sa special rice. 

Tutugisin nila ang mga mandaraya sa label at presyo ng bigas, ani Piñol. 

Sa inspeksiyon ng mga taga-NFA sa mga palengke, partikular sa Trabajo Market at Dagonoy Market sa Maynila, walang nakitang lumabag, at may mga bigas na mas mura pa sa SRP. 

Paliwanag ng mga tindera, mura ang bigas ngayon dahil marami ang supply, pero hirap pa rin silang magpaliwanag sa customer tungkol sa pagbawas ng “variety” ng bigas dahil may ilang nagdududa sa kalidad nito. 

"'Yung special rice kasi, ayaw nila palagay 'yung pangalan ng variety. Pag may bumibili, sa'n ba rito yung kukuyo, san ba rito yng Ifugao niyo? Nahihirapan kaming mag-explain sa kanila," ayon kay Lino Madrid, tindero ng bigas. 

"Minsan 'yung iba nagdududa rin dahil wala ngang pangalan pero sa paliwanag namin, naniniwala naman sila," sabi ng isa pang tinderong si Ricardo Chiu. 

Sa mga rehiyon, may iilang tinderang humingi ng palugit na ubusin muna ang mga stock na nabili sa mas mataas na halaga bago umarangkada ang SRP. 

Makikipagpulong ang NFA sa mga retailers para mapag-usapan ito.

Balak rin ng gobyernong magpatupad ng "one-strike policy" o agarang pagsibak sa mga opisyal ng NFA na hindi makakapagpatupad sa SRP ng bigas. 

"Ang sino mang provincial manager, or manager sa Metro Manila for example na hindi makakapagpatupad ng SRP sa mga tindahan na nasasakupang area will be relieved of his duty," paliwanag ni Piñol. 

Pero may ilang opisyal ng NFA na umano'y hindi alam ang utos at naguguluhan pa kung sino sa kanila ng DTI ang magbibigay-babala sa mga lalabag dito. 

"Di pa kami nabibigyan ng guidelines... Hindi pa rin namin alam kung sinong magbibigay ng warning eh, kung kami o DTI," ani NFA-NCR registration and licensing officer Nery Ragoton. 

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.