Presyo ng hamon tumaas sa Metro Manila

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2019 05:12 PM | Updated as of Nov 06 2019 07:18 PM

Higit isang buwan bago mag-Pasko, tumaas ang presyo ng hamon sa Metro Manila kahit matumal pa ang bentahan nito. ABS-CBN

Naglalaro sa P40 hanggang higit P100 kada kilo ang itinaas sa presyo ng hamon sa Metro Manila, base sa pag-iikot ng ABS-CBN News sa mga bilihan.

Pero kahit higit isang buwan na lang bago mag-Pasko, matumal pa rin ang bentahan ng ordinaryo at mamahaling hamon dahil sa isyu ng African swine fever (ASF).

Sa Excelente Ham sa Quiapo, Maynila, P40 ang itinaas sa kada kilo ng hamon kumpara noong nakaraang taon.

Watch more in iWant or TFC.tv

Noong Hunyo pa raw binili ng Excelente Ham ang suplay ng baboy kaya tiyak na ligtas ito sa kinatatakutang ASF, na nakamamatay kapag tumama sa baboy pero walang banta sa kalusugan ng tao.

Bukod sa baboy, tumaas din ang presyo ng ibang sangkap, ayon kay Sheila Valencia ng Excelente Ham.

Ang isa namang brand ng hamon na nakabase sa Mandaluyong, nasa P20 hanggang P60 ang dagdag-presyo.

Nasa P140 naman ang dagdag-presyo sa kada kilo ng isang mamahaling brand ng hamon na makikita sa mga mall.

Naglalaro naman sa P3 hanggang P76 ang dagdag-presyo sa iba't ibang klase at size ng hamon sa supermarket.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.