Namimili ng gulay sa Divisoria ang ilang kustomer. Kuha ni Jonathan Cellona, ABS-CBN News
Nananatili sa 6.7 porsiyento ang inflation nitong Oktubre, hudyat umano na nagsisimula nang bumagal ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ang inflation ay ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Sinusukat ito ng gobyerno buwan-buwan. Pumalo sa 6.7 porsiyento ang inflation noong Setyembre, na pinakamataas sa loob ng halos isang dekada.
bumagal ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay Civil Registrar General Lisa Grace Bersales ng Philippine Statistics Authority (PSA), mas mabagal ang naging pagtaas ng presyo ng mga pagkain, alak, at sigarilyo.
Mas mabilis naman ang pagtaas ng presyo ng pabahay, tubig, kuryente, gasolina, kalusugan, transportasyon, at libangan.
Bagaman bumaba umano ang inflation sa pagkain, ito pa rin ang nangungunang dahilan ng inflation nitong Oktubre.
Mula sa 9.7 porsiyentong food inflation noong Setyembre, bumagal ito sa 9.4 porsiyento nitong Oktubre, ngunit nanatiling mataas ang presyo ng bigas at isda, ayon sa PSA.
"Kung titignan natin ang month-on-month na paggalaw [ng presyo], bumabagal na siya. Ang nakita natin on average ang kontribusyon talaga ay pagkain. Kapag bumagal ang presyo ng pagkain babagal ang overall inflation," paliwanag ni Bersales.
Mula naman sa 8 porsiyento noong Setyembre bumilis sa 8.8 porsiyento ang inflation sa transportasyon, habang umakyat sa 4.8 mula 4.6 porsiyento ang taas-presyo ng pabahay, tubig, kuryente, at gasolina.
Mula sa 6.3 porsiyento noong Setyembre, bumagal sa 6.1 porsiyento ang inflation sa Metro Manila.
Nananatili sa 6.8 porsiyento ang inflation sa labas ng NCR, habang nananatili namang pinakamabilis ang taas-presyo sa Bicol region sa 9.9 porsiyento, at pinakamabagal sa Central Luzon sa 4.4 porsiyento.
Sinabi nitong Linggo ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na dama na ang pagbaba ng presyo ng mga bilihin sa merkado. Dahil umano ito sa pag-aangkat ng mga bigas at pagkain mula sa ibang bansa.
Bumaba ang presyo ng commercial rice at gulay sa merkado, kasunod umano ng harvest season. Naglagay na rin ng suggested retail price sa bigas.
Bago naman magkaroon ng 4 linggong sunud-sunod na rollback sa presyo ng langis, tumaas ang presyo ng gasolina nitong Oktubre. Nitong Oktubre, sinuspende rin ng gobyerno ang dagdag na excise tax sa gasolina na nakatakda sana sa Enero.
Pero pangamba ng isang ekonomista na maaari pang tumaas ang inflation sa susunod na buwan dahil sa mga dagdag-presyo sa pasahe at pag-apruba ng wage hike.
"[There are] wage hikes and the fare, transport hikes are already going to take effect but although there could be signs of slowing down, it could be offsetted by these situations that we are experiencing now," ayon kay Paul Angelo, Equity Research Analyst ng First Metro Securities Brokerage Corporation. -- May ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, business, inflation, taas-presyo, goods, services, SRP, prices, #PricePatrol, rollback