PatrolPH

Dahil sa mahal na LPG: Mahinang kita daing ng mga negosyo kahit ekonomiya nagbubukas

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2021 08:46 PM

Watch more on iWantTFC

Nangangamba ang ilang negosyante gaya ng mga may-ari ng karinderya at pamilihan ng liquefied petroleum gas (LPG) na mananatiling mahina ang kanilang benta kahit Alert Level 2 na sa Metro Manila. 

Ito ay dahil sa taas-presyo ng mga bilihin na epekto ng mataas na presyo ng LPG at gasolina.

Ang ilang manggagawa, gaya ni Joy Bautista, natutuwa man na lumalakas ang benta ng karinderya, nangangamba namang hindi pa rin mababawi ang mga lugi niya. Nauubos kasi ang puhunan nila sa LPG. 

"Hindi naman puwede baguhin ang pagluluto. kasi kailangan maluto nang maayos. Ang adjustment namin sa kita, 'yung ilang porsiyento ng kita namin nabawasan pa," ani Bautista. 

Umaaray rin maging ang mga dealer ng LPG. 

"October dalawang beses... Tapos isang linggo nagtaas ulit, tapos itong huli... itong November. Hindi ko rin sigurado kasi masyadong mataas ang mga bilihin eh," ayon sa LPG dealer na si Benjamin Dayao. 

Ayon sa price monitoring ng Department of Energy, nasa P832 hanggang P1,040 na ang kada tangke ng LPG nitong Oktubre. 

Dati itong nasa P780 hanggang P995 kada tangke. 

Nitong Biyernes ay umarangkada ang Alert Level 2 sa Metro Manila, na pumapayag sa pagbubukas ng ilang negosyong hindi nagbukas sa mga nagdaang lockdown. 

May dagdag-kapasidad din sa mga negosyong bukas na. 

Inaasahan naman ang rollback sa produktong petrolyo sa susunod na linggo. 

-- Ulat ni Warren De Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.