'Mga kumukuha ng housekeeping courses dumarami'

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2019 07:56 PM | Updated as of Nov 05 2019 08:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dumarami ang bilang ng mga nag-e-enroll sa mga kurso gaya ng housekeeping dahil sa pagtaas ng demand ng mga nagbubukas ng trabaho sa mga hotel sa labas ng bansa, ayon sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). 

Ayon sa TESDA, tumataas ng 20 porsiyento ang nag-e-enroll sa kanilang mga kurso taon-taon. 

Isa anila sa pinaka-popular na kurso ang housekeeping dahil dumarami rin ang bansang nangangailangan ng hotel workers. 

Libre ang kurso, na nagtatagal nang limang buwan. Ilan sa itinuturo rito ang bed making, guest room preparation, laundry, cleaning, at iba pang mga serbisyo. 

"Kinukuha lang natin talaga dito 'yung interesado kasi masasayang naman 'yung investment ng gobyerno," ani TESDA-NCR Director Conrado Bares. 

Ang kagandahan sa pagkakaroon ng TESDA certificate ay maaaring magkaroon din ng trabaho sa bansa ang mga kumukuha nito, ayon kay Bares. 

Para makapag-enroll sa isang TESDA course, dapat pumunta sa pinakamalapit na TESDA office, at sumagot ng application form, magsumite ng barangay certificate at medical certificate. 

Pero ang mga may work experience tulad ng mga matagal nang overseas Filipino worker ay maaaring kumuha ng "Recognition of Prior Experience" para hindi na kailanganin pang sumailalim sa TESDA training. 

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.