Minimum wage earners sa NCR, may P25 umento

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2018 12:49 PM | Updated as of Aug 04 2019 11:51 AM

Mga manggagawa sa isang construction site. Mark Demayo, ABS-CBN News

Inaprubahan ng wage board sa National Capital Region ang P25 umento sa sahod para sa mga kumikita ng minimum wage, sabi ngayong Lunes ni Labor Secretary Silvestre Bello III.

Sa bisa ng Wage Order No. NCR-22, na inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-NCR, magiging P500 hanggang P537 na ang halaga ng minimum wage sa iba-ibang sektor sa Metro Manila.

Watch more in iWant or TFC.tv

Magiging epektibo ang utos 15 araw matapos itong mailathala, sabi ni Bello.

Isinama na rin daw sa umento ang P10 cost of living adjustment (COLA).

"We have to consider other factors like 'yong capacity ng management or the employers so sa tingin ng board, iyon ang tamang wage adjustment," ani Bello.

Nasa P334 ang inihirit na dagdag-sahod ng labor group na Associated Labor Unions-Trade Union Congress (ALU-TUCP) sa wage board.

Naiulat namang P20 ang inalok na dagdag-sahod ng grupo ng mga negosyante na Employers Confederation of the Philippines (ECOP) pero itinanggi nila ito.

Ipinaliwanag naman ng National Wage and Productivity Commission na kung tataasan pa ang P25 umento ay posibleng makaapekto ito sa inflation rate, lalo at karamihan sa mga establisimyento sa Metro Manila ay small at medium-scale enterprises o maliliit na negosyo.

Inanunsiyo rin ng DOLE na magkakaroon ng P10 basic pay increase at P10 per day COLA sa Cagayan Valley, at P12 hanggang P20 umento sa minimum wage sa Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan) region.

Ibig sabihin, maglalaro sa P320 hanggang P360 ang minimum wage sa Cagayan Valley, habang P283 hanggang P320 naman sa Mimaropa.

'DI MAKATARUNGAN

Pero para sa tagapagsalita ng ALU-TUCP, na humirit ng kabuuang P334 umento, hindi makatarungan ang P25 umento para sa mga sumasahod ng minimum sa Metro Manila.

"This is a great injustice for workers who helped build the business. This is injustice for workers who helped our economy grow [Ito ay napakalaking kawalan ng katarungan para sa mga tumulong na magtayo ng negosyo. Ito ay kawalan ng katarungan para sa mga tumulong na mapalago ang ekonomiya]," sabi ni ALU-TUCP spokesperson Alan Tanjusay.

Sinabi rin ni Tanjusay na nais nilang makadiyalogo si Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa isyu ng umento sa sahod.

Naniniwala naman ang Palasyo na sapat na ang P25 umento sa minimum wage para makaagapay ang mga manggagawa sa nagtataasang presyo ng mga bilihin at serbisyo.

"There has been a deliberation on the wage board, and apparently that’s the decision [Nagkaroon na ng deliberasyon ang wage board at iyon ang napagkasunduan]," sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.

"Perhaps, presently that is what they found out, that’s enough [Siguro, iyon ang nakita nila, sapat na iyan]," ani Panelo.

Dagdag pa ni Panelo, maaari pa namang mabago ang halaga ng minimum na sahod depende sa lagay ng ekonomiya.

--May ulat nina Jasmin Romero at Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.