PatrolPH

PSA: Nasa 4.25 milyong Pilipino ang walang trabaho noong Setyembre

ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2021 07:46 PM

MAYNILA — Base sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa 8.9 percent ang unemployment rate noong Setyembre, pinakamataas na antas nito mula Hulyo 2020.

Ibig sabihin, may 4.25 milyong Pilipino ang walang trabaho noong Setyembre, mula 3.88 milyon noong Agosto. 

Ayon kay National Statistician Dennis Mapa, hindi pa nila matukoy kung ilang trabaho ang nawala dahil sa pagsara ng mga negosyo. Malalaman aniya nila ito sa mga susunod na linggo.

"Meron kaming isang ongoing na data collection din - ang aming updating of the list of establishments kung saan pinupuntahan namin ang mga establishments at chine-check kung ito ang nagsara o bukas pa, at ilan ang employees na apektado," paliwanag ni Mapa.

Ayon sa PSA, 862,000 na trabaho ang nawala sa agriculture at forestry noong Setyembre, at sinisi ng gobyerno ang sama ng panahon.

Tumama ang bagyong Jolina noong Setyembre, at tinatayang P1.4 billion ang halaga ng sinira nito sa agrikultura, ayon sa Department of Agriculture. 

Pero duda ang isang grupo ng poultry producers na yun lang ang dahilan.

Ayon sa United Broiler Raisers Association, dagdag problema din ang pandemya, pagtaas ng presyo ng mga materyales, at ang polisiya ng gobyerno sa pag-angkat ng pagkain.

Hindi naman nababahala si Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua sa pagtaas ng unemployment.

Aniya, mas mataas na ang dami ng trabaho kumpara sa panahon bago mag pandemya, at lalong madadagdagan ang trabaho kapag mababa ang mga alert level at iba pang mobility restrictions sa buong bansa. 

—Ulat ni Warren de Guzman, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.