PatrolPH

Manila Water, Maynilad walang dagdag-singil sa 2021

ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2020 09:08 PM

MAYNILA — Wala munang dagdag-singil sa 2021 ang 2 water concessionaire na nagseserbisyo sa Metro Manila at ilang karatig-bayan. 

Sa anunsiyo, hindi na raw muna ipapatupad ng Maynilad ang P2.98 kada cubic meter na dagdag-singil para sa taong 2021 na magsisimula sana sa Enero. 

Isinaalang-alang ng Maynilad ang mga konsumer na hindi pa nababayaran ang kanilang bill nitong mga nakaraang buwan dahil sa pandemya, ayon sa kanilang spokesman na si Zmel Grabillo. 

"Gusto natin ulit na makabawas sa dagdag-isipin ng mga ating mga kababayan, ng ating mga customers sa darating na taon kasi alam natin na meron pa silang mga hindi nabayaran na mga bills nitong mga nakaraang buwan," ani Grabillo. 

Ipinagpaliban din ng Manila Water ang nakatakdang dagdag-singil na P2 kada cubic meter na magsisimula rin sana sa Enero 2021. 

"Ito ay bilang pagsuporta sa panawagan ng pamahalaan para lahat tayo ay magtulungan para maibsan naman nararanasan ng ating mga customers natin sa kasalukuyan," ani Manila Water spokesman Jeric Sevilla. 

Saka na lang daw pag-usapan ng mga kompanya kasama ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System kung kailan at paano nila mababawi ang kinanselang dagdag-singil sa tubig.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.