Presyo ng petrolyo, may bawas simula Linggo

ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2018 12:00 PM | Updated as of Nov 05 2018 01:44 PM

(UPDATED) Nag-anunsiyo ang ilang kompanya ng langis na magkakaroon ng bawas sa presyo ng kanilang mga produkto ngayong linggo. 

Nasa P1.10 ang ibabawas ng Phoenix Petroleum sa presyo ng kada litro ng kanilang gasolina habang P1 naman sa kada litro ng diesel simula alas-6 ng umaga ng Linggo, Nobyembre 4.

Nasa P1.10 na bawas-presyo sa kada litro ng gasolina at P1 na tapyas sa presyo kada litro ng diesel din ang ipatutupad ng Petro Gazz at Eastern Petroleum, na magiging epektibo alas-6 ng umaga ng Lunes, Nobyembre 5.

Ayon naman sa Jetti Pump, P1 ang kanilang ibabawas sa presyo ng kada litro ng diesel at gasolina simula alas-6 ng umaga ng Lunes.

Parehong presyo rin ang itatapyas ng Seaoil sa gasolina at diesel simula alas-6 ng umaga ng Lunes, kasama ang P0.65 bawas sa presyo ng kada litro ng kanilang kerosene.

Nag-anunsiyo naman ang Shell, Flying V, Total, PTT Philippines at Caltex na magpapatupad sila ng P1 bawas sa presyo ng kada litro ng gasolina at P0.90 bawas sa kada litro ng diesel simula alas-6 ng umaga ng Martes, Nobyembre 6.

Babawasan din ng Shell, Flying V at Caltex ng P0.65 ang kada litro ng kanilang kerosene sa Martes.

-- May ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.