ALAMIN: Maaaring makuhang benepisyo kung maalis sa trabaho

ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2018 07:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi inasahan ni Von Guinto, isang dating housekeeping attendant sa mga condominium, na isa siya sa mga matatanggal sa trabaho nang mawalan ng kliyente ang kanilang agency.

Ang mas masaklap pa rito, ani Guinto, hindi pa naibibigay ang huling buwan niyang suweldo.

"Wala kang pagsisimulan eh," ani Guinto. "Malaking tulong din 'yon sa amin eh."

Pero sa ilalim ng panukalang Social Security Act of 2018, posibleng makatanggap ng mga benepisyo mula sa Social Security System (SSS) ang mga natanggal sa trabaho na gaya ni Guinto.

"Halimbawa tinanggal siya ng kompanya niya for whatever reason against his will... nagbawas ang kompanya dahil bahagi ito ng downsizing," ani SSS President Emmanuel Dooc.

Nasa 50 porsiyento o kalahati ng average monthly salary credit ng isang miyembro ng SSS ang maaaring maging halaga ng benepisyo para sa mga biglaang nawalan ng trabaho.

Ibig sabihin, halimbawa, sa mayroong P12,000 average monthly salary credit, P6,000 ang maaaring makuhang benepisyo.

Subalit maaari lamang daw itong ma-avail minsan sa tatlong taon.

Pinag-aaralan ng SSS ang magiging epekto ng panukala sa kanilang pondo.

Lumusot na sa bicameral conference committee ng Kongreso ang Social Security Act of 2018. Pirma na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kailangan bago ito maging isang ganap na batas.

Sa datos ng Bureau of Local Employment ng Department of Labor and Employment, nasa 30,401 ang nawalan ng trabaho sa unang hati ng 2018 o mula Enero hanggang Hunyo.

Mas mataas ito kumpara sa 25,045 na naitala mula Enero hanggang Hunyo ng nakaraang taon.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.