Bagong pagsasanay para sa mga magsasaka alok ng TESDA

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2019 02:39 PM | Updated as of Nov 03 2019 06:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Elementarya pa lang, nagsimula nang tumulong si Nemencio Concepcion sa kaniyang mga magulang sa pagsasaka.

Kahit nakapagtapos ng pag-aaral at nagtrabaho bilang seaman, pagsasaka pa rin ang pinili ni Concepcion na balikan bilang hanapbuhay.

"Dito ako masaya, sa piling ng magsasaka," ani Concepcion sa panayam ng ABS-CBN News.

Sa tulong ng iba-ibang training o pagsasanay na kaniyang sinalihan, lalo pang napagbuti ni Concepcion ang kaniyang kaalaman sa pagtatanim.

"'Yong mga natutunan ko sa training, halimbawa, sa pagtatanim ng mga makabagong binhi, mga makabagong variety, 'yong pag-apply sa fertilizer," aniya.

"Dumadami ang ani natin gawa ng naituturong teknolohiya," ani Concepcion.

Maaaring makinabang ang mga magsasakang gaya ni Concepcion sa bagong pagsasanay na bubuksan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ngayong Nobyembre.

Kabilang sa mga ituturo ang makabagong paraan ng pagtatanim at paggamit ng mga bagong makinarya sa pagsasaka.

"Ang gusto nating mangyari ay mag-improve 'yong efficiency nila at ma-reduce ang production cost as much as, to 6 percent lang, kasi doon tayo may pagkakataon na kumita," ani Conrado Bares, regional director ng TESDA sa National Capital Region.

Libreng iaalok ang mga kurso sa 57 probinsya sa bansa.

Tutulungan din ng mga implementing agency na magkaroon ng sariling makinarya ang mga magsasakang nakapagtapos ng training, ayon sa TESDA. -- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.