PatrolPH

Presyo ng manok, baboy at isda sa ilang palengke sa Metro Manila tumaas

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2021 01:31 PM | Updated as of Nov 02 2021 06:54 PM

Watch more News on iWantTFC

(UPDATE) Tumaas ang presyo ng baboy, manok at isda sa ilang palengke sa Metro Manila, base sa pag-iikot ngayong Martes ng Department of Agriculture (DA).

Sa Commonwealth Market sa Quezon City halimbawa, lumalabas na tumaas nang hanggang P40 ang kada kilo ng baboy.

Nasa P280 na ang presyo ng kada kuilo ng kasim mula P240 habang nasa P300 hanggang P320 na ang kada kilo ng liempo mula sa dating P280 hanggang P300.

Ayon sa mga nagtitinda, tumataas kada araw nang P10 kada kilo ang presyo ng sabit-ulo o iyong katay na baboy na dinadala sa palengke.

Bukod sa normal na pagmahal ng mga pangunahing bilihin tuwing "ber" months, malaki rin ang gastos sa krudo o gasolina.

Karamihan kasi ng mga tindang sariwang karne sa Metro Manila ay "tawid dagat" o galing pang Visayas o malalayong lugar dahil kaunti ang supply sa mga kalapit na probinsiya.

Samantala, ang dati namang P130 hanggang P140 na kada kilo ng manok, nasa P150 hanggang P160 na ngayon.

Tumaas naman sa P240 ang kada kilo ng galunggong mula sa dating P200 habang nasa P260 na ang kada kilo ng dalagang bukid mula P240.

Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag), chain reaction ang nangyayaring taas-presyo sa mga palengke.

Bukod sa pagtaas ng transport cost, tumaas din anila ang production cost o gastusin sa pag-alaga ng mga baboy, isda at manok.

"Kung tumaas yung production cost, 'yong feeds tataas din. 'Pag tumaas 'yong feeds, kakainin ng mga hayop 'yan, tataas 'yong puhunan ng mga raiser," ani Sinag Chairman Rosendo So.

Mariing ipinanawagan ng Sinag sa gobyerno na magbigay ng subsidiya sa fertilizer at suspendehin ang excise tax sa produktong petrolyo para hindi masyadong tumaas ang presyo sa retail.

Para naman kay Agriculture Undersecretary Fermin Adriano, mas magandang bawasan lang imbes na suspendehin ang excise tax.

"Twelve percent ngayon 'yong excise tax di ba? So if we can lower it to a certain level... for a period of time, that would probably be a compromise solution," ani Adriano.

Tinitingnan din ng DA kung puwedeng lagyan ng suggested retail price ang agricultural inputs kagaya ng mais para hindi gaanong lumaki ang production cost ng livestock raisers.

Sinabi rin ng DA na nakikiusap na ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa Department of Energy na bigyan ng diskuwento sa krudo ang mga mangingisda dahil malaki ang gastos sa mga bangka sa paghuli ng mga isda.

— May ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.