Higit 100 Noche Buena products pinayagang magtaas-presyo: DTI

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2019 04:23 PM

Mahigit 100 Noche Buena products ang pinayagan ng Department of Trade and Industry (DTI) na magtaas-presyo simula ngayong Huwebes. 

Ayon sa DTI, 113 sa 225 Noche Buena products ang pinayagang magtaas-presyo, kabilang ang hamon, fruit cocktail, spaghetti, pasta, mayonnaise, cheese, at condensed milk. 

Nasa 2 hanggang 13 porsiyento ang taas-presyo, depende sa klase, brand, at size ng produkto. Katumbas ito ng P3 hanggang P76 kada item. 

Ayon kay DTI Asec. Claire Cabochan, dahil ito sa pagtaas ng production cost ng ilang produkto gaya ng canned products. 

"Reasonable" din daw ito, dagdag ni Cabochan. 

Mahigit P100 kada kilo naman ang itinaas ng ilang mamahaling hamon, ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez sa panayam sa DZMM. 

Ayon kay Lopez, umunti ang suplay ng karneng baboy bunsod ng African Swine Fever kaya inaprubahan nila ang mungkahing taas-presyo ng ilang brand. 

Tumaas din aniya ang gastos ng mga manufacturer sa pag-iimport ng mga karneng baboy. 

Binawasan na rin ng manufacturers ang produksyon, pero tiniyak ng DTI na hindi naman daw kukulangin ang suplay ng hamon pagdating ng Pasko. 

"Ang sinasabi ng mga manufacturers, medyo binabaan na nila ang kanilang produksyon kasi nakikita nila na may demand na medyo bumaba. As for the supply meron naman daw silang maaaring ibenta," ani Cabochan. 

Maaalalang humiling ng taas-presyo ang ilang brands sa DTI. 

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.