Hybrid train, papasada sa Gen San sa Nobyembre

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 05:20 PM

GENERAL SANTOS - Nakatakdang pumasada ang isang hybrid electric road train dito sa lungsod sa ikatlong linggo ng Nobyembre.

Ayon sa mga opisyal ng Department of Science and Technology, babiyahe ang tren mula sa Tinagacan papuntang Oval Plaza, at mula Oval Plaza patungo sa Fishport.

Kasya ang 240 na pasahero sa tren na may 5 bagon na kasing laki ng bus. Tatakbo ito sa bilis na 50 kph, depende sa traffic sa lungsod.

Ayon sa mga awtoridad, babaybay lamang ang tren sa outermost lane upang hindi makasagabal sa ibang sasakyan.

Pinag-aaralan pa ng mga awtoridad kung magkano ang sisingilin na pamasahe at mga oras ng pagdating ng tren sa mga itatalagang babaan. 

Ngunit giit ng ilang drayber ng tricycle at jeep, maaaring ika-hina ng kita nila ang inaasahang pagpasada ng bagong tren.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.