Taas-singil sa kuryente sa Nobyembre nagbabadya

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2019 04:24 PM | Updated as of Oct 30 2019 05:53 PM

(UPDATE) Nagbabadyang muling tumaas ang singil sa kuryente ng Meralco sa Nobyembre, ayon sa tagapagsalita ng kompanya.

Magiging mas mataas ang average price ng kuryente galing sa spot market kaya posibleng magkaroon ng bahagyang pagtaas sa singil sa Nobyembre, ayon kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga.

Nagsagawa rin ng 4 na araw na maintenance shutdown ang Malampaya natural gas facility na nagresulta sa pagnipis ng reserbang kuryente sa Luzon sa loob ng 2 araw, na sakop ng billing period, ani Zaldarriaga.

May natira pa umano sa refund na inutos ng Energy Regulatory Commission (ERC) pero maliit ito kumpara noong nakaraang buwan.

Nakatakdang ianunsiyo ng Meralco ang pinal na galaw ng singil sa Nobyembre 7.

Kung konsumo ang pag-uusapan, ayon kay Zaldarriaga, mas kaunti ang konsumo ng Meralco customers ngayon dahil mas malamig na ang panahon.

Magugunitang tumaas nang P0.04 kada kilowatt hour ang singil sa kuryente noong Oktubre kasunod ng ilang buwang bawas-singil.

Ukol naman sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG), walang nakikitang paggalaw ang LPG Marketers' Association para sa Nobyembre.

LANGIS SA BAGUIO, MAY BAWAS-PRESYO

Samantala, matapos sitahin ng Department of Energy at makausap si Mayor Benjamin Magalong, nagbaba nang hanggang P3 kada litro sa produktong petrolyo ang mga kilalang gasolinahan sa Baguio City.

Sa kabila nito, humirit ang transport groups sa lungsod ng P1 dagdag-pasahe at imbestigasyon kung bakit mahal ang petrolyo sa kanilang lugar. 

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.