Dangwa, siksikan, matrapik dahil sa dagsa ng mamimili

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2017 05:01 PM

Tumaas ang presyo ng mga bulaklak na itinitinda sa Dangwa Flower Market sa Sampaloc, Maynila nitong Lunes, Oktubre 30.

Mula sa P10 hanggang P20 na dagdag-presyo noong nakaraang linggo, umabot na sa P20 hanggang ilang daang piso ang patong nga mga tindero sa presyo ng mga bulaklak.

Nasa P250 na ang presyo ng isang dosenang rosas, mula sa P150 hanggang P200.

Mula sa P130 kada stem, nasa P180 ang presyo kada stem ng Stargazer.

Itinaas naman sa P250 ng ilang nagtitinda ang presyo ng carnation mula sa P180.

Ang Malaysian Mums naman ay nasa P170 mula P80.

Mula P150, nasa P180 na ang halaga ng Casablanca.

Halos dumoble na ang presyo ng Chrysanthemum dahil P150 na ang kalahating dosena kumpara sa P180 na isang dosena dati.

Tumaas ng hanggang P700 ang presyo ng mabentang tropical flower arrangement, mula P500.

Tatlong araw hanggang isang linggo ang tagal bago makuha ang mga bulaklak kung ngayong araw pa lamang bibili, ayon sa mga nag-aayos ng bulaklak sa lugar.

Sumikip na rin ang kalsada ng Laong Laan. Doon kasi nakahilera ang mga tindahan ng bulaklak sa Dangwa.

Inaabisuhan na ang mga motoristang iwasang pumasok sa Dangwa dahil sadyang masikip na ngayon ang trapiko roon.

-- May ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.