Pautang sa mga MSME para makapagbigay ng 13th month pay, umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2020 04:06 PM | Updated as of Oct 28 2020 07:02 PM

Nananatiling sarado ang ilang negosyo sa Quezon City sa gitna ng community quarantine na ipinatupad bunsod ng COVID-19 pandemic. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

(UPDATE) Umarangkada na ang pautang ng gobyerno para sa mga maliliit na negosyo, na puwedeng gamitin pambayad ng 13th month pay ng mga empleyado o utang sa mga supplier.

Hanggang P3 milyon ang maaaring utangin ng mga medium-sized enterprise sa Small Business (SB) Corp. habang hanggang P1 milyon naman sa mga small-sized business, ayon kay Frank Gonzaga, head ng innovation and advocacy sa SB Corp.

Hanggang P300,000 naman ang puwedeng utangin sa mga micro-sized enterprise, ani Gonzaga.

Maglalaro naman sa 6 hanggang 8 porsiyento ang service fee, depende sa haba ng payment period.

Watch more in iWantTFC

Ang mga micro business ay may assets na nagkakahalaga ng P3 milyon, P3 milyon hanggang P15 milyon naman sa mga small business, at P15 milyon hanggang P100 milyon sa mga medium enterprise.

Pasok din sa P10 bilyon pautang at mas maluwag na payment terms ang mga negosyong accredited ng Department of Tourism.

Puwede na umano agad umutang ang mga negosyong may financial statement.

Kung walang financial statement galing sa Bureau of Internal Revenue, puwede pa ring mangutang ang mga maliliit na negosyo basta maisusumite ang mga requirement na nakalagay sa online application.

Kung kumpleto ang requirements, 2 linggo hanggang isang buwan ang hihintayin bago maibigay ng SB Corp ang inutang.

Nauna nang sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello na hindi maaaring ipagpaliban ang pagbibigay ng 13th month pay ngayong taon.

Related video:

Watch more in iWantTFC

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.