Pabor ang water concessionaire na Manila Water sa pagpapatayo ng kontrobersiyal na Kaliwa Dam sa Infanta, Quezon dahil dagdag-suplay raw ito para sa milyon-milyon nilang kostumer.
Ayon kay Kristine Guevarra, technical spokesperson ng Manila Water, suportado rin nila ang pagkuha ng tubig sa Wawa Dam rehabilitation at pagpapatayo ng Calawis Dam sa Rizal.
"We support any project that would give us new water source," aniya.
"For Kaliwa, for Manila Water, it would give 400 million liters per day," paliwanag ni Guevarra.
Mahirap umano kung sa Angat Dam lang aasa at kailangan na ng iba pang mapagkukuhanan ng tubig.
Tutol ang mga residente ng Infanta, Quezon sa proyekto dahil itatayo kasi umano ang dam sa lugar na may fault.
May tatamaan din daw na lugar na pag-aari ng mga katutubo at maaari ring malubog sa baha ang ilang lugar sa bayan kapag itinayo ang dam.
Ayon naman ang National Water Resources Board (NWRB), ang paggamit sa tubig-ilog ng Kaliwa Dam ang solusyon sa nararanasang krisis sa tubig.
"I-consider 'yong ibang factors kagaya ng environmental at social. Gusto nating maresolba sa madaling panahon para maumpisahang ma-develop ang mga proyekto na sa tingin natin ay importante," ani NWRB Executive Director Sevillo David Jr.
Nagbabala naman ang IBON Foundation sa malaking peligro umano sa kalikasan ng Kaliwa Dam.
"Questionable 'yong contractor, questionable 'yong proseso. May pinsala sa mga komunidad pero pinipilit pa rin ng gobyerno," ani IBON Foundation Executive Director Sonny Africa.
Hindi rin umano malinaw kung kailan planong tapusin ang pagpapatayo ng Kaliwa Dam.
Iminungkahi ng grupo na tutukan na lang ang ibang dam projects.
Nag-umpisa noong Huwebes ang pagpapatupad ng Manila Water at Maynilad ng rotational water interruption sa Metro Manila para matipid umano ang tubig sa Angat Dam.
Hindi pa masabi ng Manila Water kung kailan matatapos ang water interruption. -- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, tubig, konsumer, Manila Water, Kaliwa Dam, Infanta, Quezon, National Water Resources Board, IBON Foundation, TV Patrol, Apples Jalandoni, TV Patrol Top