Paghahanda ng mga restoran na tumanggap ng mga kustomer, Setyembre 30, 2021. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File
Umaapela ang mga manggagawa na isali ang kanilang sektor sa mga matuturukan ng booster shot kontra COVID-19.
Ito ay lalo na sa mga may nakakasalamuhang customers kada araw.
"Hinihiling namin na makasama sa booster shots ay 'yung mga manggagawang nasa banking, hotel, restaurant industries, kabilang na ang mga nasa land and air transport industries kagaya ng mga flight attendants at public transport workers dahil sila ang mga pangunahing nakikisalamuha sa mga tao, sa mga customers," ayon kay Alan Tanjusay ng Trade Union Congress of the Philippines.
Sang-ayon naman dito si Presidential Adviser Joey Concepcion pero aniya ay hindi pa ito napapanahon.
Ayon kay Concepcion, maaaring gawing booster shots ang darating na 3 milyong AstraZeneca doses sa Pebrero 2022.
"Kakausapin namin ang LGU na 'yung donation namin kung pwede iturok sa mga manggagawa namin as booster shots..before the next administration, the private sector may continue to order additional doses as booster para may continuity," ani Concepcion.
Pero kung si Health Undersecretary Myrna Cabotaje ang tatanungin, uunahin muna dapat sa booster shot ang mga health care worker at senior citizen bago ang ibang manggagawa.
Baka malabo by yearend kasi may interval e karamihan sa kanila August or June so mga next year na kung ia-allow na ang booster ng the rest of the population, ang i-prioritize muna natin ang immunocompromised, health workers, senior citizens," ani Cabotaje.
Nilinaw naman ng Department of Health na magagamit pa rin ang mag-e-expire na 2 milyong doses ng Pfizer vaccines at 400,000 na Moderna vaccines matapos i-extend ng Pfizer ang shelf life ng Pfizer vaccines nang tatlong buwan.
Kaya namang iturok ang mga Moderna vaccine bago mag-expire sa Nobyembre 31.
Sa tala ng Department of Health, Metro Manila pa rin ang may pinakamataas na vaccination rate.
Ang Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao naman ang may pinakamababang bilang ng nabakunahan.
— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.