ALAMIN: Paano mako-compute ang 13th month pay?

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2016 01:50 PM

MANILA - May pera ka na ba para sa pambili mo ng regalo sa mga inaanak sa darating na Pasko?

Isa sa pinakaaabangan ng mga empleyado bago dumating ang Pasko ay ang pagpasok sa kanila ng 13th month pay, na isa sa mga tungkulin ng mga employer sa ilalim ng batas.

Dapat matanggap ng mga empleyado ang kanilang 13th month pay nang hindi lalampas sa ika-24 ng Disyembre, ayon kay Alvin Curada, direktor ng Bureau of Working Conditions.

"Ang computation ng 13th month pay ay pagsasamahin ang lahat ng natanggap (na sahod) ng empleyado sa buong taon tapos idi-divide sa 12."

Samantala, maaari pa ring makakuha ng 13th month pay ang empleyadong umalis ng trabaho sa kalagitnaan ng taon. 

"Kung nahiwalay kayo sa trabaho in the middle of the year, you are entitled to receive 13th month pay proportionate sa kung gaano karami ang pinasok (ng empleyado) sa kumpanya," dagdag ni Curada.

Kapag ang isang kumpanya ay hindi nagbigay ng 13th month pay sa mga empleyado, maaaring ireklamo ito sa regional offices ng Department of Labor and Employment.

"May bago kaming approach, single entry approach. Pinapatawag yung employer na hindi nagbigay ng 13th month pay at dinadaan natin sa concilitaion and mediation," sabi ni Curada. 

Dagdag pa niya, nakasaad sa batas na anumang benepisyo ang matatanggap ng isang empleyado na mas mababa sa P82,000 ay hindi maaaring buwisan.