Meralco, itinangging ginagastos ang 'P61 bilyong' halaga ng bill deposit

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2017 11:25 PM

Inakusahan ng isang consumer group ang Meralco na ginagamit ang bilyon-bilyong pisong halaga ng bill deposit ng kanilang mga customer.

Walang problema ang consumer group na National Association of Electricity Consumers for Reforms (NASECORE) sa paniningil ng bill deposit sa mga customer ng Meralco. Pero sa sulat nila sa Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC), kinukuwestiyon nila ang umano’y paggamit ng Meralco sa bill deposit na dapat ay deposito lang bilang garantiya sakaling di makabayad ang customer.

Kinatigan din ito ni DOE Undersecretary Pete Ilagan na dati ring pinuno ng NASECORE. 

Dagdag pa ng NASECORE, hindi makatarungang ibinaba ng ERC sa 0.25% ang interes ng deposito mula sa dating 10% kada taon.

Sinuportahan din ng DOE ang hirit ng grupo na ipa-audit sa Commission on Audit (COA) ang libro ng Meralco para magka-alaman na.
 
Sinalag naman ng Meralco ang alegasyon at sinabing hindi totoong nagamit ang pondo dahil puwedeng kuhanin ng kostumer ang deposito kung kinakailangan.

Sa kuwenta ng NASECORE, nasa P61 bilyon na ang lahat ng bill deposit ng mga customer ng Meralco. Buwelta ng Meralco, nasa lagpas P26 bilyon lang ito.

Sinagot din ng Meralco ang hinihirit na audit ng DOE at sinabing hindi obligadong magpa-audit sa COA dahil pribadong kompanya ang Meralco.

Nilinaw naman ng ERC na walang rekisito sa Meralco o ibang kooperatiba na magbukas ng hiwalay na bank account para sa bill deposit.

Pero obligado ang MERALCO at mga kooperatiba na magkaroon ng hiwalay na accounting ng bill deposit at interes.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.