Water interruption sa Metro Manila magsisimula sa Huwebes

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2019 02:42 PM | Updated as of Oct 22 2019 07:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Pinayuhan ng mga opisyal ng Maynilad at Manila Water ang kanilang mga kostumer na mag-imbak ng tubig dahil sa pagsisimula ng rotational water interruption sa Huwebes, Oktubre 24.

Magpapatupad ang mga water concessionaire ng service interruption para matipid umano ang suplay ng tubig sa Angat Dam hanggang sa susunod na taon.

"Pinagkakasya natin 'yong limitadong releases ngayon ng Angat Dam. Dahil ang importante, matapos ang taon na halos punong-puno ito," ani Maynilad chief operating officer Randy Estrellado.

"Ito (Angat Dam) lang ang source natin ng tubig during the summer months na walang tag-ulan," dagdag ni Estrellado.

"Kailangan nating paghandaan 'yong mga susunod na buwan dahil napapansin nating patuloy na bumababa 'yong lebel ng Angat Dam," sabi naman ni Kristine Guevarra, technical spokesperson ng Manila Water.

Makikita raw sa mga social media page ng Maynilad at Manila Water ang schedule ng water interruption.

Maaaring tumagal ng 6 hanggang 18 oras ang water interruption sa ilang lugar na sakop ng Maynilad at 4 hanggang 10 oras naman sa mga sakop ng Manila Water.

Ipinayo rin ni Estrellado sa mga konsumer na iwasan sumobra sa pag-iimbak ng tubig.

"Ang ipunin lang natin 'yong kailangan natin sa pang-araw-araw dahil masisigurado naman namin na everyday, 'yong sa schedule niyo, may tubig kayo," ani Estrellado.

Posible umanong magtuloy-tuloy hanggang susunod na taon ang rotating water interruption ng 2 water concessionaire kapag hindi tumaas ang water level sa Angat Dam. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.