P334 umento sa minimum wage sa NCR, inihirit ng labor group

ABS-CBN News

Posted at Oct 22 2018 08:47 PM | Updated as of Sep 16 2019 03:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Humirit nitong Lunes ang isang labor group ng P334 umento sa sahod ng mga minimum wage worker sa Metro Manila dahil anila sa mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Pinalitan ng grupong Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) ang P320 wage hike o umento sa sahod na inihirit nila noong Hunyo at ginawa itong P334.

Humina na raw kasi ang purchasing power o iyong kayang bilhin ng P512 minimum wage sa National Capital Region (NCR) dahil sa inflation o pagtaas ng halaga ng mga bilihin at serbisyo sa bansa.

"Iyong purchasing power ng P512 ay bumagsak sa P340 na lamang so ganoon kahuli ang wage board," ani ALU-TUCP spokesperson Alan Tanjusay.

"Hinintay muna nilang bumagsak talaga iyong kalagayan ng mga manggagawa at saka sila aaksiyon," dagdag ni Tanjusay.

Nasa 6.7 porsiyento ang naitalang inflation rate noong Setyembre, ang pinakamataas na naitalang antas ng pagtaas ng mga presyo sa nakalipas na siyam na taon.

Kasabay nito, inumpisahan na rin nitong Lunes ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-NCR (RTWPB-NCR) ang konsultasyon para sa umento ng mga minimum wage worker.

Umalma rin ang RTWPB-NCR sa mga panawagan ng ilang grupo na i-abolish o buwagin sila dahil hindi naman daw sila nakatutulong sa mga manggagawa.

"Alam naman nila na may proseso, alam naman din nila na may mga regulasyon tayong tinitingnan," ani Ana Dione, chairperson ng RTWPB-NCR.

Sa Miyerkoles nakatakdang kuhanin ng RTWPB-NCR ang panig ng mga employer ukol sa umento sa sahod.

Sa Biyernes naman inaasahang makahaharap ng mga employer ang labor sector bago magdesisyon ang wage board sa hinihinging umento sa sahod.

Sumugod naman sa Philippine Trade Training Center sa Pasay ang Kilusang Mayo Uno (KMU) para iprotesta ang konsultasyon sa umento sa sahod.

Para sa KMU, walang patutunguhan ang konsultasyon dahil kakarampot din ang ibibigay ng wage board.

Nais ng grupo na buwagin na lang ang wage board at isabatas ang P750 national minimum wage.

"Kahit sa abuloy ay hindi katanggap-tanggap ang ibibigay ng ating gobyerno na dagdag sahod," sabi ni Jun Ancheta, tagapagsalita ng KMU-Metro Manila.

INFLATION SA METRO MANILA, DUMOBLE

Kinumpirma naman ng National Economic and Development Authority (NEDA) na dumoble ang inflation sa Metro Manila ngayong 2018 kumpara noong 2017.

Bukod sa mataas na presyo ng mga bilihin, kasama rin daw dito ang pagtaas ng renta sa bahay, tubig, kuryente, gasolina, at pamsahe.

Itinanggi rin ng ahensiya na sa kanila nagmula ang kuwenta na P42,000 ang living wage o sahod na sapat para mabuhay ang isang pamilya, na basehan ng mga labor group sa pagkalkula ng mga hinihinging dagdag sahod.

Tantiya lang daw iyon ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia at hindi base sa pag-aaral.

--May ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.