PatrolPH

No-disconnection sa kuryente hanggang katapusan ng taon, iginiit

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2020 07:55 PM

No-disconnection sa kuryente hanggang katapusan ng taon, iginiit 1
Sa ngayon, binibigyan ng Meralco nang hanggang Oktubre na magbayad ang kanilang mga customer. Pero panawagan ng ilang consumer groups na palawigin pa ng Energy Regulatory Commission ang "no-disconnection policy" para sa lahat ng mga consumer hanggang dulo ng 2020. Screengrab

MAYNILA - Nananawagan ang ilang consumer groups na palawigin pa ang "no-disconnection policy" para sa lahat ng mga konsumer hanggang sa katapusan ng taon. 

Maaalalang tinigil muna ang putulan at singilan sa kuryente ngayong umaaray ang maraming manggagawa dahil sa coronavirus disease (COVID-19) quarantine. 

Ang grupong Power4People coalition, sumulat na sa Energy Regulatory Commission na imbestigahan muna ang anila'y magulong billing noong Marso, Abril, at Mayo para sa mga anomalya bago palawigin ang "no-disconnection policy" sa lahat ng consumers.

Watch more on iWantTFC

"Hindi talaga uubra kung ang iniisip ng ERC eh ang i-extend lang ay 'yung lifeline users, kasi halos wala nang ganoong gumagamit sa Metro Manila… An ordinary worker would actually, kumbaga, kung gusto natin silang tulungan ngayon that would be around 210 kilowatt per hour,” ani Gerry Arances, convenor ng grupo. 

Sa ngayon, binibigyan ng Meralco nang hanggang Oktubre na magbayad ang kanilang mga customer. Pagkatapos ng Oktubre, magbibigay na sila ng mga disconnection notice. 

Pabor naman ang grupong Laban Konsyumer na dapat lahat makinabang sa payment extension. 

At dapat anila na sa susunod na taon, mabigyan pa ng huling tsansang magbayad ang isang consumer na naisyuhan ng disconnection notice dahil sa lockdown. 

"Bigyan mo ng 3 chances 'yung consumer na makapagbayad bago maputulan... Could be 1 week per notice talagang bibigyan mo siya, nasa batas naman 'yan na reasonable notice o demand [puwedeng iapela],” ani Laban Konsyumer president Victor Dimagiba. 

Unang idineklara noong isang linggo ng ERC sa Senado na mapapalawig ang deadline ng pagbabayad ng bill. Pero sa ngayon, wala pa ring ibinababang panuntunan ang ERC. — Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.