23 gasolinahan sa Baguio pinagpapaliwanag sa 'P5-P9 mas mahal' na presyo

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2019 05:50 PM

MAYNILA — Pinagpapaliwanag ng Department of Energy (DOE) ang mga gasolinahan sa Baguio City kung bakit mas mahal nang P5 hanggang P9 kada litro ang presyuhan nila doon sa gasolina at diesel.

Sa show cause order, nais malaman ng DOE kung bakit mas mahal ang presyo sa Baguio City kumpara sa mga karatig-bayan gaya ng La Union, Pangasinan, at maging sa Metro Manila.

"Let's say the price difference is P10 between Baguio and Manila or Pangasinan, ano ito? Bakit P10 o P5?" pagtataka ni Energy Secretary Alfonso Cusi.

Sabi ni Cusi, 23 gasolinahan ang pinagpapaliwanag niya.

Pursigido ngayon ang DOE na paamyendahan na ang Oil Deregulation Law para magkaroon ng ngipin ang gobyerno sa pag-usisa sa presyuhan at suplay ng petrolyo.

ROLLBACK

Samantala, posibleng may maliit na rollback sa petrolyo sa susunod na linggo.

Sa unang 3 araw kasi ng trading ay nasa P0.15 hanggang P0.17 ang nabawas sa presyo ng imported na gasolina.

Nasa P0.5 hanggang P0.10 naman ang natapyas sa presyo ng diesel.


— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.