Taas-presyo ng ilang noche buena products hiling ng mga manufacturer

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2019 07:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Humihiling ng taas-presyo ang ilang manufacturer ng Noche Buena products sa Department of Trade and Industry habang papalapit na ang Pasko. 

Ayon sa DTI, kabilang sa mga gustong magtaas ng presyo ang ilang brand ng hamon, fruit cocktail, canned meat, tomato sauce, spaghetti, elbow macaroni at Quezo de bola. 

Nasa 2 hanggang 29 porsiyento ang gusto nilang taas-presyo sa kanilang mga produkto. 

Sa ngayon, ayon sa DTI, wala pa silang inaaprubahang ano mang pagtaas ng presyo. Pero paalala ni Trade Undersecretary Ruth Castelo, dapat utay-utayin lang ang taas-presyo nito. 

"Pakiusap natin, ngayong Christmas Season, huwag muna nilang isabay-sabay ang increases nila. I-temper muna nila ng 9 percent ang request [namin]," ani Castelo. 

Aabot sa P109 ang gustong taas-presyo ng isang brand ng hamon. Katuwiran ng mga manufacturer, tumaas ang presyo ng raw materials at may epekto sa kanila ang African swine fever. 

Muli ring nanawagan si Castelo na alisin ang ban sa pagpasok sa processed meat sa ilang probinsiya, na nagpatupad nito bunsod ng pangamba sa ASF. 

Giit niya, ligtas namang kainin ang mga naluto at naproseso nang karne at maaapektuhan ang pagkonsumo ng noche buena products sa Kapaskuhan. 

"Pagka-hindi na-lift ang ban hindi makapapasok ang Noche Buena items, number one siyempre may effects sa consumer hindi sila makakaenjoy ng ganitong produkto during the holiday season," ani Castelo. --Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.