Ilang lugar na sakop ng Maynilad posibleng 4-18 oras mawalan ng tubig

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2019 08:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Posibleng magkaroon ng 4 hanggang 18 oras na rotational service interruption ang Maynilad Water Services, Inc ngayong linggo dahil nananatiling mababa ang alokasyon ng tubig sa Angat Dam, ayon sa water concessionaire. 

Apektado ng posibleng water interruption ang mga sumusunod na lugar.

  • Caloocan 
  • Malabon
  • Navotas 
  • Valenzuela 
  • Parte ng Quezon City 
  • Parte ng Maynila 
  • Pasay 
  • Makati
  • Paranaque
  • Muntinlupa
  • Las Piñas
  • Imus
  • Bacoor 
  • Kawit
  • Noveleta
  • Cavite City

Ayon sa Maynilad, nasa 40 cubic meters kada segundo ang daloy ngayon ng tubig sa dam. Dapat nasa 48 cubic meters per second ang daloy nito. 

Hindi naman daw tinatanggal ang water interruption schedule. Madalas lang umulan kaya hindi ito ramdam ng publiko. 

Dagdag nila, muling naramdaman ang pagkawala ng tubig ngayong hindi na masyadong maulan. 

Napupunan ito ng tubig-ulan galing sa Ipo Dam, pero muling mararamdaman ang pagkawala ng tubig ngayong hindi na masyadong maulan. 

"Depende po sa lugar, depende po sa elevation at layo ng lugar sa aming sistema. Nag ra-range po siya between 4 to 18 hours na water interruption per day," ani Ronald Padua, pinuno ng water supply operations ng Maynila. 

Base sa pag-monitor ng PAGASA hydrometeorology division, lumalabas na bumaba ang water level ng mga dam sa Luzon. 

Nasa 187.53 metro ngayong Miyerkoles ang lebel ng tubig ng Angat Dam—mas mababa sa normal operating level na 210 metro.

Nasa 100.76 metro naman ang lebel ng tubig sa Ipo Dam, mas mababa sa normal operating level na 101 metro.

Nag-abiso rin ang Maynilad na mag-imbak ng tubig. Sinisiguro rin nilang walang water crisis pero iginiit nilang dapat mabuksan na ang Kaliwa Dam. 

"Ang kailangan talaga natin ay panibagong water source kaya 'yun ang pinupush ng MWSS (Metropolitan Waterworks and Sewerage System) na ma-execute na ang Kaliwa dam project," ani Padua. 

Maaaring i-check ang Facebook page ng Maynilad para sa schedule at mga lugar na apektado ng daily rotational water service interruption. 

--Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.