ALAMIN: 'Dagdag-bawas' sa presyo ng petrolyo simula Oktubre 17

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2017 06:39 PM | Updated as of Oct 17 2017 12:22 AM

Nagpahayag ang mga kompanya ng langis na tataas ang presyo ng gasolina habang matatapyasan naman ang presyo ng kerosene simula Martes, Oktubre 17.

Nasa P0.20 ang halaga na itataas ng kada litro ng gasolina, habang may bawas namang P0.15 kada litro ang kerosene.

Wala namang galaw ang presyo ng diesel.

Hatinggabi ng Oktubre 17 magiging epektibo para sa Flying V ang 'dagdag-bawas', habang alas-6 ng umaga naman ito ipatutupad ng mga kompanyang Eastern Petroleum, Phoenix Petroleum at Shell Philippines.

Paliwanag ng Department of Energy (DOE), imported ang presyo ng petrolyo kaya apektado ito ng mga insidente sa pinagmulang bansa.

Kahit umano pare-pareho ang abiso ng mga oil company, iba-iba ang presyo sa mga pumping station.

Samantala, naglabas ng bagong patakaran ang DOE sa mga gasolinahan:

  • Bawal ang paninigarilyo sa gas station
  • Bawal ang magpakarga habang umaandar ang makina ng sasakyan
  • Bawal ang paggamit ng cellphone habang nasa gasolinahan
  • Bawal na may nakasakay sa motorsiklo habang nagpapakarga
  • Bawal ang hindi awtorisadong container para lagyan ng petrolyo.

Panukala din ng DOE ang pagkaroon ng malinis na banyo, CCTV at security guard sa lahat ng gasolinahan sa buong bansa. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.