PatrolPH

Leisure travel, activities puwede na ulit sa Clark

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2021 04:52 AM

Matapos ang ilang buwan, muli nang binuksan ang leisure travel at mga aktibidad sa Clark, Pampanga alinsunod sa isang memorandum order na ibinaba nitong Martes.

Ayon sa IATF Resolution No. 142 at Department of Tourism administrative order No. 2021-006, pinapayagan nang pumasok sa Clark ang lahat ng mga indibidwal, anumang edad, na mula sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ), modified GCQ, at anumang alert level maliban sa Alert Level 5.

Ang mga indibidwal na higit edad 65 at may health risk ay dapat fully vaccinated bago bumisita sa Clark.

Hindi naman papayagang pumunta sa Clark ang mga nanggaling sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ), modified ECQ, o Alert Level 5 kahit negative ang kanilang RT-PCR.

Kasama sa mga bukas na establisiyimento ay mga hotel, al fresco area, restaurant, open park, theme park, water park, at iba pa.

Ang mga batang 14 anyos pababa ay sa mga hotel at mga ancillary establishment lang papayagan pumasok. Bawal sila sa mga mall o ano pang indoor area.

Bawal din ang kumpulan kahit na sa mga open area para maiwasan ang posibleng paghawa ng COVID-19. — Ulat ni Gracie Rutao

KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.