Habang papalapit na ang Kapaskuhan, usapan din ang pamimigay na ng 13th month pay na kalimitang pinambibili ng regalo o pangtustos sa ilang gastusin sa pamilya.
Pero sa pagkakataong mag-resign ang empleyado sa trabaho bago matapos ang taon, dapat pa rin ba itong mabigyan ng 13th month pay ng iniwanang kompanya?
Ayon sa abogadong si Noel Del Prado, obligado pa ring magbigay ng 13th month pay ang employer sa nag-resign na employee.
Pero aniya, iba na ang komputasyon nito kapag nagbitiw ang empleyado.
"Halimbawa P20,000 ang monthly basic salary. Idi-divide iyan by 12 at multiply naman sa buwan ng napagserbisyuhan mo so kung March gagawing times 3 so 20,000 divided by 12 times 3," ani Del Prado.
Alinsunod ito sa Memorandum Order No. 28 ni dating Pangulong Cory Aquino.
Karaniwang kino-compute ang 13th month pay sa pagsama ng lahat ng natanggap na sahod ng empleyado sa buong taon at ihahati ito sa 12.
Ang 13th month pay ay benepisyo para sa mga manggagawa na kinakailangang ibigay ng mga employer sa ilalim ng Presidential Decree No. 851.
May kalalagyan sa batas ang mga hindi magbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado nila, nagbitiw man ito o hindi sa loob ng isang taon, ayon kay Del Prado.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, 13th month pay, resignation, trabaho, labor, work, hanapbuhay, benepisyo