Grupo ng mga panadero tiniyak na di magtataas-presyo ang tinapay

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2018 05:58 PM | Updated as of Oct 14 2018 08:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi magtataas ang presyo ng sliced bread at pandesal hanggang sa pagtatapos ng 2018, tiniyak nitong Linggo ng mga manufacturer ng mga tinapay.

Mananatili sa P35 ang presyo ng Pinoy tasty habang P21.50 naman ang isang supot ng Pinoy pandesal na may 10 piraso, ayon kay Henry Ah, dating pangulo ng Filipino-Chinese Bakery Association Inc.

"Hindi kami basta-basta makaka-increase ng price. That is the only thing we can assure our consumer public," sabi ni Ah sa press briefing.

Tiniyak din ni Ah na hindi mababawasan ang kalidad ng tasty at pandesal dahil nakasaad sa bawat balot ang sukat ng mga sangkap sa paggawa ng mga naturang tinapay.

Sinabi rin ng Department of Trade and Industry noong Biyernes na hindi magtataas ang presyo ng Pinoy tasty at pandesal matapos nilang makipagpulong noong Miyerkoles sa mga samahan ng mga manufacturer.

Una nang inilutang ng ilang samahan ng mga bread manufacturer ang pagkakaroon ng dagdag-singil sa kanilang mga produkto dahil sa pagmahal ng mga sangkap at gamit sa produksiyon.

--Ulat nina Henry Atuelan at Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.