'Last pay' ng mga manggagawa ilang buwan natengga sa dating agency

Zen Hernandez, ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2019 06:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Ilang manggagawa ang nagreklamo dahil sa pahirapang pagkuha ng kanilang huling bayad mula sa dating agency.

Kuwento ni Roberto Las Piñas, dati siyang quality control personnel sa pagawaan ng furniture at hawak siya ng employment agency na SmoothMoves, Inc.
    
Pebrero 2019 nang inilipat siya at mga kasamahan sa trabaho sa panibagong kompanya.

Pero hindi naibigay ang pangakong "last pay" nila na aabot sa P12,000 mula sa kinaltas na cash bond, 13th month pay, at vacation leaves.
 
"Nung ilipat kami ang sabi nila ang last payment namin makukuha namin end of May. Umabot na po ng June, July, August wala pa po kaming natatanggap," sabi ni Las Piñas.

Sa ipinadalang pahayag ng SmoothMoves, sinabi nilang hindi lahat ng claims nina Las Piñas ay dapat singilin sa kanila.

"Las Piñas' co-workers already claimed and received their contingency liability fund from SmoothMoves. As regards, the rest of their monetary claims as of date the funds are still with their current employer, Cubix/Mobler," sabi ng inerereklamong agency.

Sumagot naman ang Cubix/Mobler at sinabing nakikipag-ugnayan na sila sa mga empleyado.

Sa ngayon, naibigay na rin daw kila Las Piñas ang kanilang inaasam-asam na last pay na inipit ng mga kompanya nang halos kalahating taon. 

Idinulog ng ABS-CBN News sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga hinaing nila Las Piñas.

Ayon sa kagawaran, iinspeksiyunin nila ang SmoothMoves at Cubix/Mobler.

"Kahit sino puwede niyang habulin sa money claims po niya. Hindi sila puwedeng magturuan," sabi ni Labor Assistant Secretary Benjo Benavidez.

May paalala naman ang DOLE sa mga kompanyang mahilig magkaltas ng cash bond.

"Across industries ang general rule is bawal ang cash bond, but in specific industries such as sales, depending on their positions may hinahawakan silang produkto at property po ng kompanya, these are instances where we allow na magkaroon ng deposit or cash bond," babala ni Benavidez.

Dagdag ng DOLE, walang dapat ikaltas sa sahod ng manggagawa maliban sa mga deductions na nakasaad sa batas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.