Tinawaran ng Department of Trade and Industry (DTI) ang hirit na dagdag-presyo sa Pinoy tasty at pandesal.
Nasa P4 ang hiling na dagdag-presyo ng mga manufacturer ng Pinoy tasty at pandesal.
"Magi-increase man tayo ng presyo, ine-negotiate pa natin magkano," ani Trade Undersecretary Ruth Castelo.
"We're looking at splitting P4 na dalawang P2 or isang beses lang na P2.50 or P3 one time then magko-commit sila na 'di sila magtataas for one year," aniya.
Pero kailangan pa umanong aprubahan ni Trade Secretary Alfredo Pascual ang taas-presyo.
Noong nakaraang administrasyon pa humirit ng dagdag-presyo ang mga panadero dahil sa pagsipa ng presyo ng harina at asukal.
Tumigil na sa pagbebenta ng Pinoy tasty at pandesal ang isang bakery sa Maynila dahil sa tagal na maaprubahan at dagdag-presyo at mahal ng sangkap, lalo ang asukal.
Ayon kay Chito Chavez, may-ari ng bakery, wala naman problema kung tumawad ang DTI pero kung maliit lang ang dagdag-presyo'y hindi ito sapat na pantapal sa mahal na asukal.
"Siyempre ang DTI, ang laging pinoprotektahan ang mga consumer pero paalala ko lang, consumer din po kami ng asukal, harina, mantika, ng diesel fuel," ani Chavez.
Ibabalik na lang umano ang naturang mga produkto kapag pinayagan na ang dagdag-presyo.
Samantala, nakatakda ring maglabas ang DTI ng bagong suggested retail price sa ilang basic at prime commodities, na nangangahulugang may taas-presyo na naman nang hanggang 10 porsiyento.
Hindi umano mapipigilan ang taas-presyo dahil baka malugi at hindi na magbenta ang mga manufacturer.
"'Yon ang fear natin, baka mag-retrench ng empleyado or magsara ng tuluyan ang negosyo or 'di na magma-manufacture if they do that. Mababawasan ang choice ng consumers," ani Castelo.
Pinag-aaralan pa kung isasabay na ang release ng bagong SRP sa price guide ng mga produktong pang-Noche Buena.
Walang SRP ang mga Noche Buena item kaya hindi kontrolado ng gobyerno ang presyo nito.
—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.