Maynilad, Manila Water binalaan: Multa ng korte di puwedeng ipasa sa konsumer

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2019 07:55 PM | Updated as of Oct 12 2019 01:27 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Binalaan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang 2 water concessionaires na hindi maaaring ipasa sa mga konsumer ang halos tig-1 bilyong multang ipinataw sa kanila ng Korte Suprema. 

Ang multang ipinataw ng Supreme Court sa Maynilad at Manila Water ay nag-ugat sa paglabag nila sa Section 8 ng Philippine Clean Water Act.

Nakasaad kasi doon na 2009 pa dapat naikonekta ng water concessionaires ang sewage lines ng mga pribado at pampublikong gusali sa sewerage system, para malinis muna ang maruming tubig bago pakawalan sa ilog at iba pang anyong tubig.

Dahil dito, pinagbabayad ng SC ang 2 kompanya ng tig-P921.5 milyon. 

Paalala ng MWSS, nakalagay mismo sa concession agreement ng Maynilad at Manila Water na bawal ipasa sa mga kostumer ang multa sa kanila ng SC. 

"The agency reassures the public that financial penalties imposed by the SC may not be passed on to consumers. It is clearly provided for in the concession agreement," ani MWSS Chief Regulator Patrick Ty. 

Inilabas ng MWSS ang paalala matapos ang naunang pahayag ng Manila Water ukol sa posibleng pagtaas ng singil sa tubig kapag hindi nagbago ang desisyon ng SC. 


—Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.