Inaprubahang taas-presyo sa Noche Buena products, dama na sa weekend

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2018 08:28 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Inaprubahan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang hirit na pagtaas sa presyo ng Noche Buena products, sabi nitong Huwebes ng isang opisyal ng ahensiya.

Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, hindi mapigilan ang taas-presyo sa mga pagkaing panghanda sa panahon ng Pasko dahil may basehan naman ito.

"Hindi natin mapigilan dahil mayroon naman talagang increase ng presyo ng raw materials, talaga namang mababa ang value ng peso," ani Castelo, na binaggit din ang idinahilan ng mga manufacturer sa paghiling ng taas-presyo.

Magsisimula raw sa darating na weekend ang pagpapatupad sa taas-presyo.

Narito ang range ng taas-presyo sa Noche Buena products:

  • Creamer - 4-15 porsiyento
  • Keso de bola - 5-13 porsiyento
  •  Keso - 4-13 porsiyento
  • Hamon - 1-5 porsiyento
  •  Fruit cocktail - 4-7 porsiyento
  • Sandwich spread - 1-8 porsiyento
  • Mayonnaise - 1-10 porsiyento
  •  Spaghetti/pasta - 1-10 porsiyento
  • Macaroni - 1-7 porsiyento
  •  Spaghetti sauce - 0.3-9 porsiyento
  •  Tomato sauce - 2-7 porsiyento

Nilinaw naman ni Castelo na hindi lahat ng brands ng mga naturang produkto ay magtataas ng presyo.

Puwede raw subukan ng mga mamimili ang mga hindi kilalang brand na mas mura.

"Marami silang choices. Mayroong bahagyang tumaas, mayroon ding bumaba so hanapin na lang nila sa merkado," ani Castelo.

Ilalathala ng DTI sa kanilang website ang listahan ng mga produktong pang-Noche Buena na nagtaas, nanatili o bumaba pa ang presyo. 

Magsisilbi raw itong gabay sa pagpili ng mga mamimili, depende sa kanilang budget, para sa kanilang mga ipanghahanda sa Pasko at Bagong Taon.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.