Pacquiao, nais doblehin ang buwis sa sigarilyo

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 09:15 PM

Nais ni Senador Manny Pacquiao na doblehin ang buwis sa mga sigarilyo at gawin itong P60 kada pack mula sa kasalukuyang P30 lamang.

Ito'y matapos ihain ni Pacquiao ang Senate Bill 1599 noong nakaraang linggo. Nakatakda niya rin itong ipadagdag sa pinagdedebatehang mga pagbabago sa buwis. 

Kung maipapasa, tataas ang buwis sa sigarilyo ng 9% sa unang taon, imbes na 4% lamang na nakapaloob sa Sin Tax Reform Law. 

Bilang epekto, ang isang stick ng sigarilyong nabibili ngayon sa P2.50 ay magiging P4 sa panukala ni Pacquiao.

Sa tantiya ng Action for Economic Reforms at ng Sin Tax Coalition na siyang tumulong kay Pacquiao na gawin ang bill, nasa P50 bilyon hanggang 60 bilyon ang magiging karagdagang kita ng gobyerno sa unang taon.

Umani naman ng samut saring reaksiyon ang panukalang ito lalo na't tinatayang higit 13 milyong Pilipino ang naninigarilyo ngayon. 

Sa pag-aaral ng Sin Tax Coalition, 200,000 agad ang matatapyas sa bilang ng smoker sakaling maipatupad ang pagtaas ng buwis.

Aminado naman si Pacquiao na mahihirapang lumusot ang kaniyang panukalang batas. 

"Alam ko madami ang may ayaw din nitong bill. [Pero] I believe madami [din] akong supporter for this bill na para sa kalusugan ng mamamayan, makakatulong maka-generate ng taxes," ani Pacquiao. 

Para naman kay Senador Sonny Angara, ways and means committee chairman, kailangang pag-aralan muna nang mabuti ang panukala ni Pacquiao.

"While the Senate committee is open to reviewing and amending the Sin Tax Law, it shall consider proposals as soon as the appropriate government agencies have submitted additional and substantial studies and analysis," paliwanag ni Angara. 

Dagdag pa ni Angara, ang kasalukuyang batas sa sin tax ay may probisyon namang tinataasan ang tax rate sa sigarilyo kada taon. --Ulat ni Michelle Ong, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.