Singil sa kuryente, tataas; Presyo ng langis, tatapyasan

ABS-CBN News

Posted at Oct 09 2017 09:00 PM

Tataas ang singil sa kuryente ngayong Oktubre.

Papatak ng P0.03 kada kilowatt hour (kWH) ang dagdag-singil.

Ibig sabihin, maglalaro mula P6 hanggang mahigit P17 ang dagdag-singil sa mga kabahayang kokonsumo ng 200 kWH hanggang 500 kWh ngayong buwan.

Pagtaas ng presyo ng petrolyo ang isa sa mga dahilan kung bakit may pagtaas sa singil ng Meralco sa October bill.

Marami kasing planta ang gumagamit ng petrolyo para gumawa ng kuryente.

Tantiya ng Meralco, hindi na sisipa o bababa nang matindi ang singil sa kuryente hanggang katapusan ng taon.

Natapat namang weekend ang karamihan ng "yellow alert" nitong nakalipas na linggo kaya hindi nauwi sa brownout ang pagnipis ng supply ng kuryente.

Makatutulong din daw ang late na pagbubukas ng mall hanggang holiday season para maging sapat ang reserbang kuryente.

Samantala, matatapyasan naman ang presyo ng diesel, gasolina, at gaas simula Martes, Oktubre 10.

   OIL PRICE ROLLBACK

Flying V, Seaoil (Oktubre 10, 12:01 A.M.)
Eastern Petroleum, Petron, Phoenix Petroleum, PTT Philippines, Shell, Total (Oktubre 10, 6 A.M.)
DIESEL     P0.40/Litro
GASOLINA    P0.50/Litro

Flying V, Seaoil (Oktubre 10, 12:01 A.M.)
Petron, Shell (Oktubre 10, 6 A.M.)
KEROSENE    P0.85/Litro

Pero may ilang motorista ang hindi pa kontento sa rollback dahil masyado raw itong maliit kumpara sa itinaas ng presyo ng mga produktong petrolyo noong mga nakalipas na linggo.

Paulit-ulit naman ang paliwanag ng oil companies na base sa international price ang presyo ng petrolyo.

-- Ulat nina Alvin Elchico at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.