Kuryente, tubig may taas-singil sa Oktubre

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2019 11:13 AM | Updated as of Oct 08 2019 07:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Taliwas sa naunang anunsiyo, bahagyang tataas ang singil sa kuryente ng Meralco ngayong Oktubre, ayon sa kompanya.

Nasa P0.0448 kada kilowatt hour (kWh) ang dagdag-singil sa October bill, ayon sa Meralco.

Katumbas ito ng dagdag na P8.96 sa bill ng mga kabahayang kumokonsumo ng 200 kWh, P13.44 sa mga kumokonsumo ng 300 kWh, P17.92 kapag 400 kWh, at P22.40 kung 500 kWh.

Ang dagdag-singil ay bunsod sa pagtaas ng transmission charge at maliit na ikalawang bugso ng refund na inutos ng Energy Regulatory Commission (ERC), ayon kay Larry Fernandez, head ng utility economics sa Meralco.

Nauna nang sinabi ni Fernandez na maaaring bumaba ang singil sa kuryente dahil sa murang halaga ng kuryente mula sa suppliers at refund na inutos ng ERC.

Posibleng tumaas ulit ang singil sa kuryente sa susunod na buwan dahil wala nang refund, ani Fernandez.

Bukod sa dagdag-singil sa kuryente, may pagtaas din sa singil sa tubig ang Maynilad at Manila Water na papatak sa Oktubre 13.

Nasa P0.17 kada cubic meter ang dagdag-singil ng Manila Water habang P0.02 naman sa Maynilad.

Ang dagdag-singil sa tubig ay bunsod ng foreign currency differential adjustment, na epekto ng palitan ng piso kontra dolyar at yen.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.