Presyo ng langis, muling tataas sa Martes

ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2018 01:13 PM | Updated as of Oct 08 2018 08:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nag-anunsiyo ang ilang kompanya ng langis na magkakaroon ng dagdag-singil sa presyo ng kanilang mga produkto simula Martes, Oktubre 9, 2018. 

Ayon sa Shell, Caltex, Flying V, Petron, at SEAOIL, nasa P1.45 ang dagdag sa kada litro ng kanilang diesel, P1 sa kada litro ng gasolina, at P1.35 sa kada litro ng kerosene.

Maliban sa kerosene, parehong halaga rin ang dagdag-singil na ipatutupad ng Petro Gazz, TOTAL, Jetti Pump, at PTT Philippines sa kanilang diesel at gasolina.

Magiging epektibo ang mga pagbabago sa presyo simula alas-6 ng umaga ng Martes.

Ito ang ikasiyam na sunod na linggong nagkaroon ng pagtaas sa presyo ng petrolyo, na nagsimula noong Agosto 13.

Kung susumahin, nasa P5.85 na sa kada litro ng diesel ang naging kabuuang halaga ng dagdag-singil nitong nakaraang siyam na linggo mula Agosto 13, habang P5.05 naman sa gasolina, at P4.65 sa kerosene. Ito ay base sa mga nakalap na ulat na na-publish sa ABS-CBN News website. ​

Naging antas ng pagkilos ng presyo ng mga produktong petrolyo nitong nakaraang siyam na linggo: 

PETSA DIESEL GASOLINE KEROSENE
Agosto 13, 2018 P0.25 P0.15  
Agosto 20, 2018   P0.30 (-)P0.20
Agosto 27, 2018 P0.60 P0.10 P0.45
Setyembre 3, 2018 P1.20 P0.95 P0.95
Setyembre 10, 2018 P0.65 P0.65 P0.65
Setyembre 17, 2018 P0.15 P0.50 P0.20
Setyembre 24, 2018 P0.20 P0.40 P0.15
Oktubre 1, 2018 P1.35 P1.00 P1.10
Oktubre 8, 2018 P1.45 P1.00 P1.35
KABUUANG PAGTAAS P5.85 P5.05 P4.85

DAGDAG-PASAHE SA JEEP

Idinaing naman ng transport group na Federation of Jeepney Operators and Drivers Associations of the Philippines (Fejodap) ang sunod-sunod na dagdag-singil sa langis.

Hiniling nila na ibigay sa kanila ang hiling na gawing P12 ang minimum na pasahe sa jeep kahit hindi buo.

"Dinagdagan ho kami halimbawa ng piso, magkakaroon ho kami ng dagdag na P300. Makakapagtiis na ho sa parte ko ang mga tsuper 'pagkat kahit papaano, may maiuuwi silang dagdag," sabi ni Fejodap President Zeny Maranan. --Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.