MAYNILA - Malaki ang epekto sa mga maggugulay sa Cordillera Region ang pagpuslit ng mga imported vegetables sa merkado.
Ayon sa Apit Tako Kordilyera o ang Alyansa Dagiti Pesanta Ti Taeng Kordilyera ngayong Huwebes, malaki na ang ikinalulugi ng mga maggugulay sa Cordillera region.
“Malaki ang epekto. Kung tumataas ang presyo ng gulay, yung mga imported bumabagsak sa atin. Yung manggugulay dito sa Cordillera—Benguet, Mountain Province, Ifugao—malaki talaga ang impact nito, lalo na tumataas din ang cost of production," sabi ng kinatawan ng grupo na si Fernando Bagyan.
"Kaya marami ang nalulugi, liban pa ang epekto ng pandemic na ito. Ang daming regulation. Maraming buyers ang hindi nakakabiyahe po papunta dito. Kaya maraming imbes na maipunta sa market, nabubulok na lang.”
Sa panayam sa TeleRadyo, sinabi ni Bagyan na halos kalahati ng aning gulay ng Cordillera ay napupunta sa Metro Manila.
“Pero sa ngayon, ang apektado dahil sa smuggling, itong carrot, cabbage at broccoli,” sabi ni Bagyan.
Pero dahil may mga nakapupuslit pa ring mga imported na gulay, ang mga hindi naibebenta ng mga manggugulay ay tinatapon na lang dahil nabubulok na ang iba, at ang iba naman ay ipinamimigay na lamang.
Nauna nang nagbabala ang Department of Agriculture sa publiko sa pagbili ng mga imported na gulay na maaring makasama sa kalusugan dahil hindi tukoy ang pesticide at formalin content ng mga ito. Wala ring import permit na ibinibigay sa mga imported na gulay para ibenta sa mga palengke.
- TeleRadyo 7 Oktubre 2021
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.