PatrolPH

'Krisis-mas?': 2 milyong manggagawa 'nanganganib' ang 13th month pay

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2020 08:07 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Dalawang milyong manggagawa ang hindi makakatanggap ng 13th month pay ngayong Pasko, batay sa pagtataya ng grupong Employers Confederation of the Philippines (ECOP).
    
Sabi kasi ng ECOP, halos lahat sa 1,000 medium and large enterprises na miyembro nila ang nagbigay ng 13th month pay noon pang mga unang buwan ng lockdown.
    
Ang mga maliliit na kompanya naman, hindi pa rin nakakabawi, kaya kahit 13th month pay hindi nito maibibigay.

"We’re talking of the 13th month pay, 'yung mga maliliit even the 13th month pay, 'yung mga nagsara, hindi siguro maibibigay 'yon. Ninety percent ang micro natin, eh hirap na hirap, nag-aantay nga ng tulong," sabi ni Sergio Ortiz-Luis, presidente ng ECOP.

Imbes na Christmas, "krisis-mas" tuloy ang nakikita ng grupong Defend Job Philippines sa Disyembre.
    
Umaalma rin ang mga manggagawa dahil nasa batas ang pagbibigay ng 13th month pay.

"Kailangang gawan ng paraan ng gobyerno na mabigyan ng aginaldo ang ating mga manggagawa lalo ngayong Pasko," giit ni Christian Lloyd Magsoy, spokesperson ng grupo.

"Kung talagang mapapatunayan na in distress ang kompanya ay dapat may pag-uusap between the employer at saka 'yung manggagawa," sabi naman ni Laudicia Casana, secretary general ng IndustriALL Philippines.

"Nauunawaan naman natin ang kalagayan ng negosyo sa panahon ng pandemic subalit huwag naman sanang samantalahin ang pandemyang ito," ayon naman kay Abraham Reyes, national president ng Integrated Labour Organization-Philippines.

Ayon naman kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello, kailangan ng pag-uusap dahil hindi puwedeng takbuhan ng mga employer ang kanilang obligasyon.

Humihiling din daw ang mga employer na i-extend ang anim na buwang furlough ng mga manggagwang pinatigil muna sa trabaho pero hindi pa tinanggal.
    
Kinonsulta na ito ng DOLE sa mga manggagawa at maglalabas daw ng desisyon sa mga darating na araw.

—Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.