PatrolPH

ERC mag-iikot sa mga probinsiya sa harap ng pagtaas ng singil sa kuryente

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2022 04:20 PM | Updated as of Oct 06 2022 07:32 PM

Watch more News on iWantTFC

Inihayag ngayong Huwebes ng Energy Regulatory Commission (ERC) na mag-iikot ito sa mga probinsiya upang busisiin ang mga kontratang pinapasok ng mga electric cooperative doon.

Ito'y sa harap ng pagtaas ng singil ng kuryente sa mga rehiyon.

Pero aminado ang ERC na hindi ura-urada ang solusyon sa taas-singil at puwede pang lumala ang situwasyon, lalo na ang nakatali sa mga plantang tumatakbo sa coal at fossil fuels.

"Just the other day nakita natin na tumaas na naman ang inflation rate so we need to brace ourselves for tougher times talaga," ani ERC Chairperson Monalisa Dimalanta.

"Pagtulong-tulungan po natin. Tingin ko naman bukod sa gusto nating mababa, 'yong nasa tama lang, kaya kailangang busisiin natin," dagdag niya.

Sa buong Pilipinas ang MOPRECO o Mountain Province Electric Cooperative ang may pinakamataas na singil ngayong Setyembre, na P20.96 kada kilowatt hour.

Sumunod dito ang Biliran Electric Cooperative (BILECO) na P20.95, Aurora Electric Cooperative (AURELCO) na P20.93, San Jose City Electric Cooperative (SAJELCO sa Nueva Ecija) na P20.48 at Samar II Electric Cooperative (SAMELCO II) na P19.65. 

Ayon sa Philippine Rural Electric Cooperatives Association (PHILRECA), may pagluluwag naman sa patakaran ang mga kooperatiba bilang konsiderasyon sa mga konsumer.

"Sometimes nagbibigay din po ng staggered payment ang coop lalo na doon sa hirap talaga, puwedeng mag-promissory note," paliwanag ni PHILRECA Executive Director Janeene Colingan.

Iginiit naman ng Bayan Muna na dapat damihan pa ang kontrata sa mga plantang may renewable energy.

"Dapat mag-shift na, lakihan na ang papel ng renewables. Puwedeng gawing baseload ang hydro at natural gas na susuportahan ng ibang renewables like wind and solar," ani Bayan Muna Executive Vice President Carlos Zarate.

Iniutos na ng Department of Energy na priority o mauuna sa bentahan ng kuryente sa spot market ang supply na galing sa mga rehistradong renewable sources of energy gaya ng solar, wind at hydro.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.