Jeepney drivers whose livelihood has been adversely affected by the pandemic ask for alms from passing motorists in Barangay Pansol, Balara in Quezon City on Aug. 17, 2021. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File
MAYNILA— Nananawagan ang isang grupo ng mga tsuper at operator sa pamahalaan na magbigay ng diskwento sa petrolyo bunsod ng sunod-sunod na oil price hike.
Ayon kay Melencio Vargas, presidente ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines, dumaraing na sila dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
"Para hindi masaktan 'yung aming mananakay dahil pandemic ngayon, sana po magbigay sila ng diskwento. 'Yun ang pinaka the best na gawin ngayon ng gobyerno kung tutulong po sila sa amin," aniya sa panayam sa Teleradyo Miyerkoles.
Nitong Martes, nagkaroon ng malaking pagtaas sa presyo ng produkto, ang ika-6 na sunod na linggong may oil price hike.
Sa loob ng 6 na linggo, umabot na sa P5.65 ang iminahal ng presyo ng kada litro ng diesel, P4.10 naman sa gasolina at P5.30 sa kerosene.
Para kay Vargas, hindi napapanahon ang hirit na dagdag-pasahe dahil sa pandemya.
"Ayaw ko po dahil masasaktan ang taongbayan at mananakay namin dahil pandemic po. Hindi po tamang magtaas ng pamasahe kaya magkokonsulta ako sa malalaking transport group," aniya
Aniya, nasa P300 na lang ang naiuuwi sa pamilya ng mga tsuper dahil sa pandemya.
"Itong pandemic na 'to wala naman pong kinikita ngayon ang mga drayber kasi survival na lang nila, pangkain nila dahil unang-una hindi kami puwedeng magpuno," aniya.
Dagdag ni Vargas, "Nakakaawa po talaga ang kalagayan ng transport ngayon at wala pong kumakalinga sa amin."
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.