Higit 2,000 empleyado sapul sa panibagong PAL retrenchment

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2020 04:45 PM | Updated as of Oct 06 2020 07:46 PM

Watch more in iWantTFC

(UPDATE) Higit 2,000 empleyado ang tatamaan ng panibagong bugso ng tanggalan sa Philippine Airlines (PAL) dahil pa rin sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Una munang kakausapin ng kompanya ang mga magboboluntaryong umalis, sabi ng PAL sa isang pahayag.

Tiniyak din ng PAL na lahat ng maaapektuhan ay mababayaran nang tama.

Ayon sa PAL, 287 empleyado ang naunang tinanggal at boluntaryong umalis noong Pebrero.

Mula Marso, ginawa umano ng kompanya ang lahat para maibsan ang epekto ng 8 buwang lockdown, mula sa pagbabawas ng gastos at sahod ng management, pagdagdag ng kapital, at pagpapatupad ng flexible working arrangements.

Nauna na ring magpatupad ng retrechment ang AirAsia pero umaasa ang airline na hindi na ito masusundan, lalo't magbubukas sila ng 2 bagong ruta ngayong Oktubre.

"Apektado talaga lahat ng airlines 'no.. Noong May, nagkaroon po kami ng retrenchment of approximately 12 percent of our employees," ani AirAsia Philippines President at CEO Ricky Isla.

"Sana po wala nang mangyaring ganito but what we’re looking at is job security," ani Isla.

Nagbawas naman ang Cebu Pacific ng nasa 1,300 empleyado noong Hulyo.

Isinusulong naman ng Air Carriers Association of the Philippines (ACAP) ang paggamit ng antigen test para sa ligtas na pagbubukas ng mas maraming domestic flights.

"In 15 minutes, the results will come out," ani ACAP Vice Chairman and Executive Director Roberto Lim.

"The cost of the antigen test, puwede nang isama sa presyo ng airfare... bago ka papasukin sa mismong airport terminal, pupunta ka muna sa testing facility," dagdag ni Lim.

"We believe this additional layer of protection is good for for the riding public and will bring confidence in domestic air transport," aniya.

Hinihintay pa ang "go signal" ng Department of Health sa paggamit ng naturang test.

Umaasa rin ang mga airline na unti-unti silang makaka-rekober dahil inaasahan pa ring mag-uuwian sa pamilya ang maraming Pilipino ngayong Pasko. — Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.