Ilang negosyo, subscribers nabulaga, nalito sa 'landline migration' ng telcos

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2019 05:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nabulaga at nagdulot ng kalituhan sa mga establisimyento at subscribers ang pagsisimula ng landline migration upang gawing 8-digit ang mga numero sa telepono imbes na 7, alinsunod sa direktiba ng National Telecommunications Commission (NTC).

Ito'y kahit pa nag-abiso ang mga telco na hindi na matatawagan ang mga landline kung hindi kasama ang itinalagang prefix sa kanila. 

Ang isang laundry shop na PLDT subscriber, nagrereklamo dahil hindi na daw matawagan ang kanilang negosyo.

"Kasi ginagamit namin ito para tumawag 'yung mga customers. Hindi po matawagan minsan. I-inform na lang sila through text," sabi ni Jennifer Caro, tauhan sa laundry shop.

Ang ilan pang Pinoy, walang malay na nagkaroon pala ng pagbabago sa landline numbers.

"Hindi namin alam kasi dapat sasabihin sa 'min 'pag ganun, pero wala pa," sabi ni Crisante Banzuelo, security guard sa isang building.

"Hindi matawagan 'yung ko client kasi nag-additional daw ng digit 'yung PLDT," ayon naman kay Joe Barilla, driver.

Alinsunod sa mandato ng NTC, lahat ng 7-digit landline number ay gagawin nang 8 digits. Umarangkada ang migration mula 12:01 hanggang 5 ng umaga pero marami pa ring numero ang pumapalya. 

REKLAMO

Ang social media, inuulan na ng reklamo dahil dito. 

Bumuo na ng action center ang NTC sa loob ng kanilang opisina at pinag-aaralan nila kung saan ba nagkakaroon ng problema. 

Ayon sa NTC, nagkakaroon ng technical challenges dahil iba't iba ang teknolohiya na gamit ng telephone companies. 

Malaking bulto ng problema ang inter-network calls, dagdag pa ng ahensiya.

Hiling ng NTC sa taumbayan, magpasensiya dahil kailangan talagang gawin ang number migration para dumami ang available numbers. 

Maaaring tawagan ang mga service providers para mabigyang linaw kung anong numero ang dapat idagdag sa existing numbers. 

BAGONG PREFIX

Para sa mga kostumer ng Globe, numerong "7" ang itinalaga sa kanila, habang "3" naman sa kanilang subsidiary na Bayan Telecommunications.

Halimbawa, ang dating numerong "(02) 210-XXXX" ay makokontak na sa "(02) 7210-XXXX."

Samantala, numerong "8" naman ang prefix para sa mga kostumer ng PLDT Inc.

Halimbawa, ang dating numerong "(02) 535889" ay matatawagan na lang sa "(02) 8535889." — Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.