PatrolPH

Presyo ng gulay muling tumaas sa ilang pamilihan sa Metro Manila

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2022 02:53 PM | Updated as of Oct 03 2022 07:32 PM

Watch more News on iWantTFC

Patuloy pa ring tumataas ang presyo ng gulay sa ilang pamilihan sa Metro Manila bunsod ng pananalasa ng Bagyong Karding.

Sa Mega Q Mart sa Quezon City, narito ang mga bagong presyo:

  • Talong - P90 kada kilo mula P80
  • Kamatis - P140 kada kilo mula P80
  • Sitaw - P120 kada kilo mula P100
  • Ampalaya - P160 kada kilo mula P140
  • Siling panigang - P150 kada kilo mula P100
  • Pechay Tagalog - P160 kada kilo mula P80
  • Sibuyas - P240 kada kilo mula P200

Ayon sa mga nagtitinda, nagsimula tumaas ang presyo ng gulay matapos salantain ng Bagyong Karding ang Luzon.

Karamihan kasi umano ng mga gulay na ibinabagsak sa Metro Manila ay mula Nueva Ecija, Bulacan, at Quezon province.

"Hindi sapat [ang supply] kasi kakaunti ang dumarating. Agawan pa. 'Yong order nababawasan," sabi ng tinderong si Louis Tigolo.

"Siyempre 'pag bumagyo, na-washout ang mga gulay, kaunti ang makukuha nila," dagdag niya.

Inaasahan ng mga nagtitinda na hanggang sa susunod na linggo pa ang ganitong sitwasyon habang wala pang naaani ang mga magsasaka.

Dahil dito, tingi na lang kung mamili ang mga mamimili gaya ni Mariegold Poras.

"Paunti-unti na lang. ‘Yong necessity na lang," ani Poras.

Dahil sa taas ng presyo ng gulay, umaaray rin nag mga nagtitinda dahil sa tumal ng bentahan.

"Sana kung marinig ng Presidente, gawan niya ng paraan. Sabi noong eleksyon 'pag naupo siya, bababa ang bilihin. Pero kabaliktaran ang nangyayari," ani Tigolo.

"Sa mahal ng paninda, ‘pag hindi nabili ‘yan lahat, lugi," dagdag niya.

Sa huling datos ng Department of Agriculture, pumalo na sa P3.12 bilyon ang halaga ng pinsala ng Bagyong Karding sa agrikultura.

Nangako na ang ahensya ng mga punlang ipamimigay sa mga magsasaka bilang tulong.

Pero ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag), kulang ang tulong na ito ng gobyerno.

"Hindi talaga sapat dahil 'yong ibibigay lang ay for replanting. Siguro ayusin muna ang crop insurance kasi ang balita natin ay delayed din ang pagbigay sa magsasaka," ani SINAG Chairman Rosendo So.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.