Singil sa kuryente posibleng bumaba sa Oktubre: Meralco

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2019 05:16 PM | Updated as of Oct 03 2019 08:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Posibleng bumaba ang singil sa kuryente ng Meralco ngayong Oktubre, sabi ng opisyal ng kompanya ngayong Huwebes.

Kung hindi man bumaba, hindi nalalayo ang halaga ng singil sa kuryente ngayong Oktubre sa halaga ng singil noong Setyembre, ayon kay Larry Fernandez, head ng utility economics sa Meralco.

Sakaling bumaba, anim na buwan nang sunod-sunod na nagkaroon ng tapyas sa presyo ng kuryente.

Mula noong Mayo hanggang Setyembre, umabot na sa P1.52 kada kilowatt hour ang bawas-singil sa kuryente.

Bukod sa indikasyong pababa ang halaga ng kuryente galing sa mga supplier, may natira pa raw na refund na inutos ng Energy Regulatory Commission at lumakas din ang piso kontra dolyar.

BAWAS-PRESYO SA PETROLYO INAASAHAN

Samantala, may namumuro namang isa pang rollback sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo base sa presyuhan sa pandaigdigang merkado.

Sa unang 3 araw ng trading sa merkado, nasa P0.80 hanggang P0.90 kada litro na ang iminura ng imported na gasolina, at P0.60 hanggang P0.70 naman sa diesel at kerosene.

PRESYO NG ILANG BILIHIN, TATAAS

Inaprubahan naman ng Department of Trade and Industry ang dagdag-presyo ng ilang pangunahing bilihin.

Sa bagong suggested retail price, na epektibo noong Lunes, hanggang P1 ang itinaas ng ilang brands ng sardinas.

Nasa P0.25 hanggang P0.45 naman ang taas-presyo sa kape, P0.45 sa instant noodles, at hanggang P1 sa karneng de-lata.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.