Mga magsasaka umaaray sa sadsad-presyong bentahan ng palay

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2020 07:21 PM

MAYNILA — Marami nang magsasaka ang umaangal dahil sa mababang bentahan ng palay sa kasalukuyan, na anila'y hindi sapat para mabawi ang labor at production costs para rito.

Sabi kasi ng ilang magsasaka, bagsak-presyo na ang bilihan ng palay ngayon, at isa sa dinadahilan nila ay hindi raw nila kayang makipagkompetensiya sa mga inaangkat.

Dahil dito, umapela ang Department of Agriculture (DA) sa mga lokal na pamahalaan na sumaklolo sa mga magsasaka at bumili ng palay sa National Food Authority (NFA).
    
Hinikayat din ng DA ang mga magsasaka na sa NFA magbenta ng palay para mas mataas ang presyo nito, na P19 daw binibili ang kada kilo.

"Sana lahat ng gobernador doon sa top 30 rice production provinces ay maki-partner na sa NFA para mas maraming mabiling palay para mataas din ang kita ng mga magsasaka," pakiusap ni DA Secretary William Dar sa panayam ng TeleRadyo nitong Biyernes.

Noong 2019, ang Nueva Ecija, Isabela, Pangasinan, Cagayan, Iloilo, Camarines Sur, Tarlac, Negros Occidental, Maguindanao, Bukidnon, North Cotabato, at Leyte ang mga tinaguriang top rice producing provinces sa Pilipinas.

Bago nito, sinabi na rin noong ng DA na dapat ay tumulong din ang pribadong sektor sa pamamagitan ng pangongontrata sa mga magsasaka, bilang parte na rin ng kanilang corporate social responsibility.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.