ALAMIN: Mas mabigat na parusa vs ATM skimming, bank hacking

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2019 04:50 PM | Updated as of Oct 02 2019 05:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dahil sa pagdami ng online banking applications, abot-kaya na ngayon ang pag-access sa mga bank account.

Pero kasabay nito, naglipana na rin ang mga hacker o iyong sumusubok na gumamit ng mga device para makuha ang mga pribadong detalye ng mga bank account holder.

Babala ng abogadong si Claire Castro, maaari nang hatulan ng aabot sa habambuhay na pagkakakulong ang mga sangkot sa ATM skimming at bank hacking.

Inamiyendahan kasi ng Republic Act No. 11449 ang Republic Act No. 8484, o Access Devices Regulation Act of 1998.

Dito, itinuturing na "heinous crime" ang pamemeke, pag-hack o skimming ng aabot sa 50 debit card, credit cards, at online bank accounts.

"Kasi diba nauso ito, kumbaga pati 'yung paggawa ng krimen high-tech. Kumbaga dito mas mapoproteksyunan ang mga accounts natin, yung e-mail natin," ani Castro sa Usapang de Campanilla nitong Martes.

Bukod sa life imprisonment, multang nasa P1 milyon hanggang P5 milyon ang sino mang mapapatunayang mangha-hack ng bangko, at mahuhulihan sa pag-skim ng higit 50 bank accounts at cards. Hindi rin siya makakapagpiyansa.

Kapag nahuling namemeke ng aabot sa 10 cards at accounts, maaaring makulong ng 12 hanggang 20 taon at multa na P500,000.

Pero kung namemeke ng aabot sa 10 cards at accounts ang suspect, pero wala itong na-access na bank account, maaaring parusahan ng 6 hanggang 12 taong pagkakakulong at multang P300,000 ang mahahatulan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.